Dalawang Kwento ng Kabwisitan
Thursday, November 24th, 2005Unang kwento: Ang kapitbahay mula sa impyerno. Itong isang kapitbahay namin dito ay matagal nang nakaiirita. Hindi namin alam kung ano ang trabaho nito pero parang maya’t maya ay paalis alis siya dala ang napaka ingay niyang sasakyan. Kahit anong oras siya umalis, o dumating, parati niyang ni-re-rebolusyon ang makina ng sasakyan niyang parang may amplifier sa ingay. Walang pakundangan kahit na madaling araw o hating gabi pa man. Kapag dumarating iyon ay kuntodo ang busina hangga’t hindi nabubuksan ang gate nila, muli, wala siyang pakialam kahit anong oras pa iyon, kahit tulog na lahat ng mga tao sa paligid niya.
Minsan mayroon kaming bisita, gumarahe sa tapat ng gate namin, hindi naman naka lagpas sa kanila, aba ay kuntodo ang doorbell dito sa amin, sinabi na nga ng byenan ko na lalabas na, aba at nag doorbell pa ulit. Sa akin naman, kung hirap siyang pumasok sa kanila kung may naka park sa amin, sabihin naman sana ng maayos, siya itong makikisuyo e. Samantalang kapag sila nag park e halos kalahati na ng gate namin ang nababarahan nila. Magaling lang talaga mag maneho ang asawa ko, kaya hindi na namin sila kailangan pang gambalain sa kung ano man ang ginagawa nila.
Ikalawang kwento: si Boy Bastos. Yan po ang aming prank caller. Sabi ng PLDT nung nag p-promote sila ng kanilang caller ID, prank calling is a crime. Tinanong ko kung kanino ako mag rereport, ipapa blotter lang daw.. EH???!!! As if naman may effect ang blotter dito, ni hindi nga namin alam ang name ng bastardong yun e, number lang. Naryan ang tatawag tapos magaalok ng sex, minsan naman, mumurahin niya ang naka sagot, minsan wala lang nakikinig lang, depende siguro sa naka sagot. Hindi ko pa lang mai-lipat ang caller ID sa malapit sa telepono dahil kinakalikot ng mga bata, mas importante sa amin na ma- save ang ibang numbers ng mga tumawag para ma return call, hirap na baka mabura. Kaya kami eto, sagot naman kami kaagad para maasar nitong si kumag. Sinubukan ko na nga tawagan, kaso naka tele fax ang bastardo. Minsan nga iniisip ko kung i-flood ko kaya siya ng fax? May fax paper naman kaya siya? Gustung gusto ko nga i-post yung number niya sa mga groups na kinabibilangan ko e, kaso baka naman imbes na hindi pa niya kami kilala e makilala pa niya kami at mas lalong lumala.